Book # 25 Machine of Death (edited) nina Ryan North, Matthew Bennardo, at David Malki !

Book # 25 Machine of Death (edited) nina Ryan North, Matthew Bennardo, at David Malki !

Kadalasan, kapag magbabasa ako ng isang antolohiya (lalo na kapag koleksyon ng mga tula), inuunti-unti ko ‘yung libro. Paisa-isang kuwento muna tapos hindi ko pa susundin ‘yung pagkakasunud-sunod ng mga akda ayon sa pagkakalathala ng libro. Minsan, binubuklat ko lang ang libro at kung saang pahina ako mataon ay iyon ang babasahin ko. Subalit ang kopya ko ng Machine of Death ay isang .pdf file na nanggaling sa aking kaibigang si Jamie kaya ang ginawa ko’y binasa ko ang mga kuwento ayon sa pagkakasunud-sunod nito sa libro.

Kakaiba ang antolohiyang ito sapagkat hindi lamang tema ang nagtatagni sa lahat ng mga kuwento. Ang mismong premise ng kuwento ay nanggaling sa comic strip na ito:

Sa antolohiyang Machine of Death, mayroong isang makinang nakapagsasabi kung ano ang paraan ng iyong pagkamatay (tingnan uli ang comics sa itaas). Noong una, nag-akala akong ang tanong na “paano haharapin ng mga tao ang kanilang kamatayan?” ang magiging tanging sentro ng mga kuwento. Mala-Final Destination, kumbaga. Ngunit mayroong mga kuwentong hindi lamang tumuon sa pananabik sa pagkuha ng resulta mula sa nasabing makina, o sa kung paano nga ba talaga mamatay ang tauhan. Natuwa akong may mga mahuhusay na kuwentong tumutok sa mga tauhan, pati na rin sa mga pagbabagong naganap sa lipunan dahil sa makinang ito.

Sa mga kuwento sa koleksyon, makikita ang iba’t ibang paraan ng pagtanggap ng mga tao sa kanilang kamatayan. Isa sa mga kuwentong tumatak sa aking isipan ay ang kuwento ng mag-asawang ilang beses nang nagtangkang magka-anak, subalit ilang beses na rin silang nabigo dahil nalalaglag ang kanilang anak. Noong nabuntis uli ang babae, kinunsulta nila ang makina kung paano ito mamamatay. Noong lumabas sa resulta na hindi mamamatay ang sanggol sa sinapupunan ng ina, ngunit sa ibang paraan, naiyak sa tuwa ang ina. Dito ko lubusang naramdaman ang pagtanggap sa kamatayan ng mga tauhan sa kuwento–na dapat lang naman ganu’n, ‘di ba? Sapagkat ang kamatayan lamang ang isa sa mga bagay sa mundong paniniwalaan natin nang hindi na kailangan ng alinmang pruweba maliban sa katotohanang mamamatay tayo. Hindi na kinatatakutan ang mismong kamatayan, ngunit nagiging pangunahing alalahanin ang mismong pagkamatay. Bukod pa rito, makikita rin ang biglaang pagbabago sa istruktura ng lipunan–na iba ang pagtingin sa isang taong mamamatay dahil sa NUCLEAR MISSILE kumpara sa isang taong mamamatay dahil sa OLD AGE.

Narito ang site kung saan makukuha ang libreng ebook ng Machine of Death.

Reading Update

Reading Update

Katatapos lang ng mga sumusunod na libro at may utang pa akong posts para sa mga librong ito:

  • Machine of Death ed. by Ryan North, Matthew Benardo, at David Malki !
  • The Invention of Solitude ni Paul Auster
  • The Last Goodbye ni Sarah Mayberry
  • One Good Reason ni Sarah Mayberry
  • Letters to a Young Poet ni Rainer Maria Rilke (pagsasalin ni Stephen Mitchell)

Book # 24 Catwings Return ni Ursula K. Le Guin

Book # 24 Catwings Return ni Ursula K. Le Guin

Mula noong binilhan ko ng libro ang aking nakababatang kapatid na si Allison na tungkol sa mga pusa (‘yung The Necessary Cat ni Nicola Bayley), nagkaroon na rin sila ni mama ng ugaling bilhin agad ang isang libro basta’t may pusa o tungkol sa pusa. Ilang librong pambata na rin ang nabili nila. Kamakailan lamang, ang kanilang inuwi mula sa BookSale ay ang Catwings Return ni Ursula K. Le Guin.

Ang Catwings Return ay tungkol sa apat na pusang may mga pakpak. Nakatira sila sa isang liblib na lugar (abandonadong bangan/barn) malayo sa mga tao at dalawang nilalang lamang ang nakaaala ng kanilang pag-iral–sina Hank at Susan. Mula sa libro, aking nahulaan na ito ay isang sequel/ikalawang libro sa isang serye sapagkat ipinakita nang kaunti sa Catwings Return kung ano ang mga pinagdaanan ng mga pusa bilang mga kuting na ipinangak sa siyudad. Dahil naintriga rin ako, sa aking paghahanap sa internet ay nalaman kong sa unang libro ay ipinanganak ang mga kakaibang kuting na sina Harriet, James, Thelma, at Roger sa isang tambakan ng basura sa siyudad. Nang nakita sila ng mga tao, pinagkaguluhan sila sanhi upang magdesisyon si Mrs. Jane Tabby, ang kanilang ina, na utusan ang mga kuting na lumayo sa mga tao. Kaya naman, lumipad ang mga kuting hanggang sa mapadpad sila sa isang rural na lugar at nailagay sa pangangalaga nina Susan at Hank.

Bilang pagpapatuloy sa naunang kuwento, nagpasya sina Harriet at James na bumalik sa siyudad upang hanapin at sunduin ang kanilang ina. Nahirapan man silang maglayag sapagkat purong “instinct” lamang ang kanilang ginamit upang matunton ang lugar ng kanilang kapanganakan, nakarating din sila sa siyudad. Ngunit ibang siyudad na ang sumalubong sa kanila: sinisimulan nang gibain ang mga gusali, wala na ang mga tao, panay mga daga at iba’t ibang hayop na lamang ang lumilibot dito, at higit sa lahat, hindi na nila matagpuan ang tambakan ng basurang kanilang naging tirahan noong sila’y mga kuting pa. Sa halip na makita nila ang kanilang ina, ang nahanap nila’y isang itim na kuting–na meron ding pakpak tulad nila.

Habang binabasa ko ito, siyempre, tuwang-tuwa ako. Basta may pusa sa isang kuwento, nagkaka-bias agad ako–lalo na’t meron pang mga larawan ang libro (pero sana mas maganda pa ang mga guhit). Pero habang tumatagal, nagiging seryoso na ang kuwento. Hindi biro ang maging pusang mayroong mga pakpak. Sa ibang salita, mahirap maging kakaiba. Kung hindi dahil sa kanilang mga pakpak, e di sana kasama pa rin nila ang kanilang ina at hindi na rin nila kailangang magtago sa mga tao. Dahil sa kanilang natural na estado, nawawalan kaagad sila ng kalayaan–isang balintuna na ang pakpak ay nagiging simbolo ng kalayaan, ngunit sa kuwento ito ang nagiging dahilan ng kanilang kawalan ng kalayaan. Labis ding ipinakita rito ang bayolenteng karanasan ng pagharap sa Iba/the Other ng mga tao: ang awtomatikong reaksyon sa Iba ay karahasan at annihilation kapag hindi ito/siya saklaw ng kanilang karanasan/kaalaman/pag-iintindi. Tao nga naman.

Sa huli, nakita rin ng mga pusa ang kanilang ina at kanilang nalaman na ang itim na kuting ay kapatid din nila. Sa puntong ito, napansin kong kahit na mga pusa ang bida sa kuwento, asal-pusa pa rin sila. Ipinapakita man sa kuwento na may kakayahan silang mag-isip, ang kamalayang nakakabit sa kanila ay kamalayang pampusa pa rin. Kumbaga, hindi nila pinoproblema ang kanilang eksistensya o pag-iral, ang mga problema nila’y talagang nakakabit sa kanilang pagiging pusa–ang pagkain, pagpapanatili ng kalinisan sa kanilang katawan, pagpapahinga, at ang kanilang “survival.” Ang “pinakataong” katangian siguro nila’y ang problema ng paghahanap sa kanilang ina.

Labis kong nagustuhan ang kuwentong ito dahil kahit na pambata ito, kung babasahin ito ng mga matatanda ay mayroon pa rin itong kahalagahan at nagiging mas matimbang pa ang kuwento. Lalo ko pa itong nagustuhan nang malaman ko kahapon sa Sci-Fi Symposium ng WriterSkill Ateneo (isang organisasyong para sa mga batang manunulat ng Ateneo) na si Ursula K. Le Guin ay sikat na manunulat. At hindi lang ‘yun, sikat at magaling pa siyang manunulat ng Sci-Fi (science fiction). Ngayong alam ko na ito (at dahil na rin sa mga bagay na aking natutuhan sa Sci-Fi symposium kahapon kung saan naabutan ko pa ang mga talk nina Kenneth Sy at Paolo Chikiamco), mas humahanga ako sa Catwings (kahit na di ako sigurado kung Sci-Fi nga ito; pero sabi nga ng mga nagsalita sa symposium kahapon, ang pagtatalaga ng labels ay nasa nibel ng marketing, at hindi hawak ng mga manunulat). Nakakaenganyo tuloy na magsulat ng Sci-Fi.

Isang kuha kasama si Jasmine mula sa Sci-Fi Symposium ng WriterSkill na ginanap sa Ateneo Art Gallery kahapon.

Book # 23 Beastly ni Alex Flinn

Book # 23 Beastly ni Alex Flinn

Nitong long weekend, dahil bigla akong nakaramdam ng biglaang pag-apaw ng di maintindihang damdamin, napagpasyahan kong magbasa. Namili lang ako sa mga maraming kopya ng librong matagal nang nasa akin pero hindi ko pa nababasa. Nakita kong meron akong nobela na ang pamagat ay Beastly. Hindi ko alam kung saan nanggaling ang kopya ko ng librong ito, pero malamang galing na naman ito sa kaibigan kong si Gel. Naintriga ako kung pareho ba ito ng Beastly na pelikula nina Alex Pettyfer at Vanessa Hudgens, kaya ito ang naging ika-23 na nabasang libro ko para sa taong ito.

Sa librong ito nga pinagbasehan ang pelikulang Beastly. Isa itong “pagsasalaysay-muli” o retelling ng klasikong kuwentong Beauty and the Beast na pinagbibidahan ni Kyle Kingsbury, isang mayamang binata sa lungsod ng New York na tila prinsipe ang asta dahil prinsipe rin ang turing sa kanya. Ang tanging bagay na may halaga sa kanya ay ang pisikal na kagandahan at mga materyal na bagay, hanggang sa may makilala siyang kakaibang babae na  mangkukulam pala. Matapos siyang gawing halimaw ni Kendra, ang mangkukulam, binigyan siya nito ng dalawang taon upang makahanap ng isang babaeng tunay na magmamahal sa kanya sa kabila ng kanyang kapangitan. At dahil ito nga’y isang pagsasalaysay-muli ng Beauty and the Beast, malamang na halata na kung anu-ano ang mga pagdaraanan at kahihinatnan ni Kyle sa ilalim ng sumpa ni Kendra.

E kung inulit lang din pala nito ang kuwento at tema ng Beauty and the Beast, ano pa ang saysay ng Beastly bilang isang bagong nobela?

Para sa akin, kahit na lantad ang bakas ng klasikong Beauty and the Beast sa nobelang ito, mayroon pa ring mga katangiang katangi-tangi sa Beastly tulad na lamang ng paglalaro sa mga elementong nakapaloob sa kontemporanyong mundo ni Kyle–internet, chatting, ang psyche ng mga kabataan ng lungsod, pagpasok sa mga umiiral nang teksto/panitikan na nagpapayaman lalo sa kuwento (intertext). Bukod pa sa mga nabanggit, ang nobela ay nakatuon sa pananaw ni Kyle (ang Halimaw) imbes na sa bidang babae (Linda). Kumbaga, mas natutunghayan ng mambabasa ang pagbabago/transformation ng Halimaw, di lamang sa panlabas na anyo kundi pati na rin sa kanyang ugali at perspektibo sa buhay, dahil sa pananaw na piniling gamitin ni Flinn.

Kung papipiliin naman ako kung ano ang mas maganda, ang pelikula ba o ang nobela, pipiliin ko ang nobela. Ngunit hindi ko sinasabing pangit ang pagkakasalin ng nobela sa pelikula, mayroon lamang mga bagay at detalye na hindi isinama rito at ipagpapalagay kong dahil iyon sa mga limitasyon ng paggawa ng pelikula (at pati na rin sa pagsasaalang-alang ng target audience nito). Halimbawa na lamang ng mga pagkakaiba sa dalawang bersyon ng Beastly ay una, talagang naging halimaw si Kyle at hindi lamang naging freak/kakaiba tulad ng sa pelikula–kung saan kitang-kita pa rin ang kakisigan ni Alex Pettyfer. Ikalawa, isang redhead na may freckles si Linda, na malayong-malayo sa itsura ni Vanessa Hudgens.

Bilang kabuuan, naging matagumpay para sa akin ang nobela sa pagiging mahikal nito sa kabila ng pagiging kontemporanyo ng tagpuan nito. Maganda ang ginawang pagsasanib ng mahikal at urban, dahilan upang maging matagumpay na modernong fairy tale ang Beastly.

Book # 22 East, West ni Salman Rushdie

Book # 22 East, West ni Salman Rushdie

Matagal-tagal ko nang sinimulan ang pagbabasa ng librong ito, ngunit ngayon ko lamang natapos. Kung hindi ako nagkakamali, regalo ito sa akin noon pang Pasko ng 2009. Sobrang tagal na pala noon. Siguro sa ngayon, halos 75 % ng mga librong pagmamay-ari ko ay hindi ko pa nababasa.

Alam kong nakapagbasa na ako ng ibang mga akda ni Rushdie, ngunit mas natatandaan ko siya bilang iyong manunulat na laging ikinukuwento ni Sir DM sa klase namin noon. Nakatanggap daw kasi ng fatwa si Salman Rushdie dahil sa akda niyang Satanic Verses (na kailangan ko pang mabasa). Pero syempre, hindi lang naman siya ikinukuwento ni Sir DM sa klase namin dahil sa fatwang iyon, kundi dahil mismo sa galing ni Rushdie ng pagsusulat ng mga kuwento.

Lumabas ang pagiging Indian-British na manunulat ni Rushdie sa kanyang koleksyong East, West dahil sa lawak ng mga materyal na saklaw nito. Mayroong tatlong bahagi ang koleksyono: East; West; at East, West. Sa East, ang mga kuwento ay naganap sa Silangang bahagi ng mundo, partikular na sa India. Habang ang bahaging West naman ay mga kuwentong tila mga “retelling” at punung-puno ito mga Kanluraning alusyon. Ang nakabibigla rito ay ang biglang pagbabago rin ng pagkakasulat ng mga akda. Kung sa East, ang Ingles na ginamit ay Ingles na makatotohanan para sa mga nakatira sa India (maihahalintulad ito sa Filipinong Ingles na meron dito sa bansa), tapat sa Kanluraning Ingles ang ginamit ni Rushdie sa mga akda niya sa West. Ngunit sa tatlong pangunahing bahagi ng koleksyon, paborito ko ang East, West. Sa bahaging ito, lubusang naipakita ni Rushdie ang ugat niya sa parehong kultura ng India at Britanya. Nagustuhan ko rin ang pagpapalago sa tema ng dalawang magkaibang bagay o konsepto–ang pagtatagisan ng dalawang ito, at sa huli ay ang pagsasama ng mga ito.  Ang pinakanagustuhan kong kuwento ay ang The Harmony of the Spheres, kung saan ko talagang nakita at nadama ang pagkakaiba ng mga kultura sa Silangan (India) at Kanluran, na sa pagkakaibang ito ay mayroong nangyayaring paglalayo sa isa’t isa ngunit di rin nagtatagal ay ang pagkakaibang ito mismo ang nagiging dahilan ng pagkakalapit hindi lamang sa mga nabanggit na kultura kundi sa iba pang mga bagay, tulad ng pag-uugali, paniniwala, at agham at mahika.

Book # 21 Looking for Alaska ni John Green

Book # 21 Looking for Alaska ni John Green

Isa ito sa mga naunang libro na inimungkahi sa akin ni Gel, ngunit ewan ko ba, ngayon ko lang binasa. Sa mundo ng young adult fiction, kilalang-kilala si John Green hindi lang bilang manunulat, kundi bilang kalahating porsyento rin ng Vlog Brothers (kung saan kasama niya ang kapatid niyang si Hank Green, na isa ring manunulat). Maraming mga mambabasa at manunulat ang laging binabanggit ang Looking for Alaska bilang isa sa mga pinakamagandang YA na libro sa panahon ngayon (subalit sinabi mismo ni John Green na wala naman siyang itinatakdang age group para sa mga mambabasa ng kanyang nobela). Ngayong nabasa ko na ang nobelang ito, hindi na ako magtataka kung bakit isa nga itong magandang halimbawa ng young adult na libro.

Ito ay tungkol kay Miles “Pudge” Halter, isang binatilyong naghahanap ng Great Perhaps sa bago niyang buhay bilang mag-aaral sa paaralang Culver Creek. Sa Culver Creek, makakikilala siya ng iba pang makukulay at kakaibang mga tauhan na magiging kaibigan niya. Isa na rito ang maganda at maalindog–ngunit minsa’y mataray–na si Alaska Young. Naniniwala si Pudge na si Alaska na nga ang kanyang Great Perhaps. Ngunit nang sa tingin niya’y malapit na niyang maabot ang kanyang Great Perhaps, saka naman ito nawala: kinailangan niyang hanapin si Alaska.

Nagustuhan ko ang pagiging sobrang tapat sa realidad ng nobelang ito, na siyang kitang-kita sa mga tauhan nito. Halimbawa na lamang ay si “Colonel,” ang roommate ni Pudge. Mayroong binubuong reputasyon si Colonel bilang prankster at magulong estudyante, subalit isa rin siya sa mga pinakamatalinong mag-aaral ng Culver Creek. Mula sa mga masalimuot na mga tauhan, tipikal lamang na magiging mahusay din ang pagkakabuo ng naratibo nito. Liban pa sa pagiging tapat sa realidad, maayos at mahahalatang pinag-isipan ang istruktura ng nobela dahil sa paghahating ginawa ni Green. Ang nobela ay nahahati sa dalawang bahagi: bago at pagkatapos (before and after). Para malaman kung bakit, basahin ang libro.

 

 

Book # 20 Delirium ni Lauren Oliver

Book # 20 Delirium ni Lauren Oliver

Masasabi ko ngayon pa lang na napakalaki ng impluwensya ng kaibigan kong si Gel sa aking pagbabasa. Halos lahat ng mga librong nakuha ko habang nasa kolehiyo ay sa kanya galing o siya ang nagmungkahi sa akin–mula sa mga romance novels hanggang sa young adult na genre. Kahit na nasa Canada na siya, hindi pa rin tumitigil ang impluwensya niya sa akin. Halimbawa na lamang, isang daang porsyentong impluwensya niya sa akin ang pagbabasa ng Delirium ni Lauren Oliver. Narito ang synopsis ng libro:

Before scientists found the cure, people thought love was a good thing. They didn’t understand that once love–the deliria–blooms in your blood, there is no escaping its hold.

Things are different now. Scientists are able to eradicate love, and the government demands that all citizens receive the cure upon turning eighteen. Lena Haloway has always looked forward to the day when she’ll be cured. A life without love is a life without pain: safe, measured, predictable, and happy.

But with ninety-five days left until her treatment, Lena does the unthinkable: she falls in love.

Amor deliria nervosa, iyon ang naging pangalan ng pag-ibig bilang isang sakit sa panahong kinabibilangan ni Lena. Sa totoo lang, iyong mismong konsepto pa lang, nakadadala na ng damdamin. May bahagi sa aking sarili na hindi sang-ayon sa pagturing sa pag-ibig bilang sakit na dapat gamutin, ngunit malamang iyong rasyonal na bahagi ng aking sarili ang nagsasabing mas madali nga namang mabuhay sa mundong hindi ka na masasaktan dahil hindi ka na iibig. Kumbaga, isa itong pagganap sa sinasabi sa Budhismong ang desire o ang pag-asam ay ang ugat ng lahat ng pagdurusa at “everything is suffering,” kaya para mawala ang pagdurusa kailangang tanggalin ang pag-aasam. Ngunit malalaman ni Lena (at ng ilan pang mga tauhan sa librong Delirium) na hindi pala iyon ganoon kadali, at may mga pagkakataong tatanggapin mo ang pagdurusa dahil sa pag-ibig.

Para sa akin, ang pinakamagandang bahagi ng libro ay ang umpisa at ang dulo. Maganda ang unang kabanata ng Delirium at kung interesado ka, maaaring itong basahin dito: clickity click!  Medyo nabagot ako sa gitnang bahagi ng nobela dahil sa pagpuno ng mga impormasyon tungkol sa mga bagay-bagay na mahalaga tungkol sa tagpuan nito at hindi pa nakatulong na ang punto de bistang ginamit ni Oliver ay ang punto de bista ni Lena (first person point of view). Madali pa man din akong mailang sa mga akdang nasa unang punto de bista sapagkat naabuso nito ang boses ng tauhang ginagamit at maraming mga bagay ang “sinasabi” na lamang imbes na “ipinakikita” ng katha. Siguro naging ganoon lang ang Delirium dahil una pa lamang ito sa serye ng tatlong libro at dahil na rin ibang mundo ang tagpuan nito, kinakailangan pa ng pagpapaliwanag. Pagdating sa huling kabanata, saka lang muling nabuhay ang sigla ko sa pagbabasa sapagkat dito isiniksik ang tensyon at drama na unti-unting nabuo mula sa mga naunang kabanata.

Kung ikukumpara sa Hunger Games ni Suzanne Collins, mas nagustuhan ko pa rin ang Hunger Games bilang unang installment ng trilogy. Ngunit hindi ito magiging dahilan upang hindi ko hantayin ang isusunod na nobela rito ni Oliver.

Book # 16 Florante at Laura ni Francisco Balagtas (ed. Almario)

Book # 16 Florante at Laura ni Francisco Balagtas (ed. Almario)

Una kong binasa ang Florante at Laura noong nasa ikalawang taon ako ng sekondarya. Matagal-tagal na rin iyon, at ang tanging nanatili na lamang sa akin ay ang kuwento nito at ang nabuong biruan namin ng seatmate ko: magsusulat/guguhit daw kami ng bagong bersyon nitong tatawagin naming Tirante ni Laura (na hindi naman natuloy pero malamang meron nang ibang gumawa).

Bilang estudyante sa sekondarya, hindi ko nagustuhan ang Florante at Laura. Hindi ko rin naman nagustuhan noon ang Noli; noong nasa kolehiyo ko lang lubusang “naranasan” ang Noli, tapos saka lang dumating iyong epiphany na “Uy, ang astig pala nito!” Ngayong binasa ko uli ang Florante at Laura, masasabi kong may mga bagay akong nakaligtaan at hindi nakita sa akdang ito. Kahit na hindi pa rin kasali sa listahan ng mga paboritong akda ko ang Florante at Laura, kuntento akong nakikita ko na ang halaga nito sa panitikan (at kasaysayan) bilang isang malikhaing akda. Dahil na rin sa mga napag-aralan at pinagdaanan ko sa kolehiyo tungkol sa pagbasa ng mga akda, nagkakaroon ako ng mga pagbasa at teoryang nagbibigay ng dimensyon nito. Katulad na lamang ng posibilidad na kaya ba labis na umibig si Florante kay Laura ay dahil nakita niya si Laura bilang nabubuhay na imahe ng kanyang ina (na kamamatay pa lamang noong una niyang nakita si Laura)? Kumbaga, tinrato kaya ni Florante bilang proxy ng kanyang mapagmahal at mapag-arugang ina si Laura? Para sa akin, nakatutuwang siyasatin at paglaruan ang ideyang iyon.

Kaya naman ngayon, naglalaro sa aking isipan kung tama nga bang ituro ang Florante at Laura sa sekondarya. Hindi kaya dapat ay isang “panimulang kurso” ang nararapat na ipaaral para sa mga bata (na magsisilbing “reading appreciation” na klase), pagkatapos ay mayroong isang “solid” na kurso para sa Florante at Laura sa kolehiyo (mas malalim na pag-aaral sa akda)? Ang naging obserbasyon ko kasi, mas nagkakaroon ng dimensyon ang akda kung ang nagbabasa’y mas marami nang alam tungkol sa panitikan bilang pangkalahatan—na nangyayari naman sa lahat ng mga akda, hindi ba? Kaya dapat hindi lamang isang beses binabasa ang anumang katha (medyo imposible, maliban na lamang kung lehitimong trabahong sinusuwelduhan ang pagbabasa).

Ewan ko. Ewan ko pa. Basta ang sigurado, sa pagbabasa kong muli ng Florante at Laura, mas nakilala ko si Balagtas at medyo nakadidiskaril malamang para nga siyang isang mito–walang konkretong katunayan ang kanyang pag-iral. Lahat halos ng impormasyon sa kanya, ang punong pinanggalingan ay nasa sabi-sabi lamang. Bukod pa sa pagkilala muli kay Balagtas, nadagdagan ang bokabularyo ko at mas nabibigyan ko na ng kahalagahan ang diksyunaryo.

Book # 15 Reconnaissance ni Tara FT Sering

Book # 15 Reconnaissance ni Tara FT Sering

(Dahil Agosto ngayon, napagpasyahan kong magsulat dito gamit ang Filipino.)

Bago umalis patungong Canada, ibinigay sa akin ni Gel ang libro niyang Reconnaissance ni Tara FT Sering. Matagal-tagal pa mula noon bago ko ito naisipang basahin. Ito ang dala-dala ko sa aking job interview bilang libangan habang naghihintay.

Ang Reconnaissance ay isang koleksyong binubuo ng maiikling kuwento at isang novella. Ang mga kuwentong Preview, Reconnaissance (ang pinakapaborito kong kuwento mula sa koleksyon), Wonder, The Last Chip Off the Walled City, at Getting Better ay pawang mga akdang nakatuon hindi lamang sa kontemporanyong babae, kundi sa kontemporanyong Filipina. Samantala, ang The Vacation ay ang tanging akdang lihis sa nasabing pagtutuon–kung saan ang mga pangunahing tauhan ay isang matandang mag-asawang nagsagawa ng maliit na pagsasalu-salo upang ipagmayabang sa kanilang mga kaibigan ang mga karanasan at natutuhan nila mula sa kanilang bakasyon sa Inglatera at Pransiya.

Isa sa mga nagustuhan ko sa mga akda ni Sering ay ang matagumpay na pagpapakita ng pagiging Filipino ng kanyang mga kuwento gayong Ingles ang kanyang ginamit na wika. Sa mga workshop/klase ko sa malikhaing pagsulat noong kolehiyo, madalas na nagiging problema ng mga nagsusulat sa Ingles ang paglikha ng kaligirang Filipino. Halimbawa, ang tagpuan ay sa Maynila at ang mga tauhan ang purong mga Pilipino, ngunit iyong mismong pagsasalaysay at dayalogo ay nababahiran ng Kanluraning Ingles–iyon bang Ingles na para bang kinopya mula sa mga akda at pelikulang Kanluranin.  Makikita mula sa Reconnaissance na hindi ito problema ni Sering. Gamay na gamay ng may-akda ang Ingles na likas na Filipino (o iyong bang pag-aangkin ng mga Filipino sa wikang Ingles, tulad ng sinabi ng aming thesis adviser) mula sa paggamit nito sa pagsasalaysay at sa dayalogo. Hindi maipagkakailang Filipino, kumbaga.

Nagagandahan din ako sa panulat ni Sering sapagkat hindi ito nagpipilit na maging malalim o “cerebral.” Madaling nakabubuo ng ugnayan ang mga kuwento niya sa mambabasa dahil sa uri ng wikang ginamit at sa panahong kinabibilangan ng mga ito, ngunit hindi rin masasabi na simple lamang at walang kasalimuotan ang bawat akda. Katulad ito ng sinabi ni Cristina Pantoja Hidalgo sa A Note on Reconnaissance:

This new collection of short fiction presents a refreshing new voice, a voice which has already bridged the usual gap between “literature” and ordinary readers who tend to shun anything that comes across as “high faluting.”