2022 in Fragments

Isa nang tradisyon sa akin ang magsulat tungkol sa taong nagdaan kapag Bagong Taon, kaya lang hindi ko ito nagawa. Mas pinagtuunan ko ng pansin ang paglilinis ng bahay–sa ibang bagay ako sinipag haha. Sa totoo lang din, hindi ko alam kung saan magsisimulang magsulat. Iniisip ko pa lang ang pagsusulat ng “a year in reflection,” parang naliligaw na ako.

Sinubukan kong tumingin ng mga litrato sa aking phone gallery bilang inspirasyon, at doon ko nakuha ang ideyang ito. Hindi ko kasi kayang ikuwento lahat ng mga importanteng nangyari sa akin nitong 2022. Isang understatement ang sabihing “napakaraming ganap.” Kaya hindi ko man maibahagi ang lahat ng ito, narito ang ilang fragment o mga tapyas ng aking karanasan: isang larawan kada buwan, isang sanaysay kada larawan.

(I-click ang mga larawan para mapuntahan ang mga sanaysay.)

JanuaryFebruaryMarch
AprilMayJune (extra)
JulyAugustSeptember
OctoberNovemberDecember
Ang link ay nasa mga larawan.

Ito ang pinakaraming naisulat ko sa loob ng ilang taon, pramis. Ito rin ang pinakaraming blog posts na ginawa ko sa loob ng isang araw–sinimulan ko ito kaninang 10 AM, at ngayon ay 1AM na ng January 2. Sinasaniban pa yata ako ng espiritu ng Bagong Taon kaya ganito ang naging tiyaga at sipag ko para matapos ang maliit na proyektong ito. I hope it is worth your while.

Maligaya, Mapayapa, Maginhawa, at Manigong Bagong Taon sa iyo at sa inyong pamilya!

December 2022

Nakaupo ako sa labas ng CBTL sa tabi ng Holiday Inn. Katamtaman ang lamig ng simoy ng hangin noong hapon na iyon. Bumibigat ang trapiko sa kalsada–baka mga nag-uunahang umuwi.

Doon ako pumuwesto sa isa sa kanilang al fresco tables kahit na wala akong binili sa kanila. Hinihintay ko ang reply ni R. Kung nakaalis na siya sa Glorietta, uuwi na rin ako. Pero kung sasabihin niya na nasa area pa siya, hihintayin ko siya.

Isa’t kalahating taon ko na rin siyang kilala, pero online nga lang. Sa isip ko, inaasahan ko na ang pangit na scenario. Na sa makailang ulit na pagkakataon, hindi ulit kami makakapagkita. Pero alam ko noon na sa kalooban ko, madidismaya ako kapag nangyari uli iyon. Ito ang unang pagkakataon na magkikita kami nang personal.

Kadalasan, wala nang nangyayaring katangi-tangi kapag Disyembre. Gayong ito ang buwan ng aking kaarawan, sa totoo lang naman ay Pasko at Bagong Taon na ang iniisip ng mga tao pagtuntong ng Disyembre. Nagsisimula na ng countdown para sa Pasko, lumilitaw na rin ang mga nagluluto at nagbebenta ng Puto Bumbong at Bibingka. May mga nagsasagawa na ng Christmas parties at outing, may mga nag-eensayo na para sa Christmas presentations, habang may mga umaasa nang mananalo sa raffle. Bakasyong-bakasyon na ang isip ng mga tao kaya madalas, wala na talagang mabigat na nangyayari sa pnahong ito liban sa may kaugnayan sa holidays. Kumbaga, para lang itong buffer na buwan bago maging seryoso at business as usual uli ang mga bagay-bagay.

Ngunit iba ngayong taon. May dalawa pang malaking event ang aming opisina. Naghahabol ang iba pang mga opisina ng kanilang mga Year End Evaluation activity na required ng Human Resources. Kaya naman noong ika-8 na araw ng Disyembre, kahit na holiday, nasa Holiday Inn Makati kami ng boss ko.

Lingid sa kaalaman ng Boss ko, ipinalangin ko na sana matapos nang maaga ang presentation namin. Kung matatapos kami ng alas-tres ng hapon, hindi ako sasabay sa kaniya pabalik ng Pasig. Magpapaiwan ako sa Holiday Inn.

Natapos naming dalawa ang aming presentation. Successful ang aking origami learning experience para sa mga participants kahit na literal na madaling araw ko na iyon naisip. Nag-chat ako kay R.

Pinauna ko na ang aking boss na umuwi, sabi ko sa kaniya may kikitain lang ako sa Glorietta. At babalik tayo ngayon sa eksena sa CBTL.

Sumagot si R na pupuntahan niya ako, may ihahatid lang siya na kaibigan. Hindi niya alam kung nasaan ang CBTL pero pumunta siya sa Holiday Inn. Tumayo ako at naglakad pabalik sa entrance ng Holiday Inn. Doon, nakita ko siyang nakatalikod, hawak-hawak ang cellphone, muwestrang may hinihintay. Lumingon siya at nagkita kami.

Hindi pa man natatapos ang taon ay may bagong simula nang sumibol at bumukadkad.

October 2022

Matagal na idiniin ng doktor ang equipment niya sa ultrasound sa aking kaliwang tagiliran. Tanong niya, “Hindi ba sumasakit ang likod mo? Wala bang ngalay na nararamdaman?”

Doon pa lang alam ko nang may nakitang hindi normal sa aking kaliwang kidney. Kaya noong ipinadala sa akin ang ultrasound results sa email, ipinakita ko ito agad sa doktor ko. Sa teleconsult session, kinumpirma nga niyang may maliliit na bato ako sa kaliwang kidney. Agad niya akong niresatahan ng “pampatunaw” sa mga ito–Potassium Citrate, 1080 mg, tatlong beses sa isang araw, sa loob ng 30 araw.

Ilang taon na akong diagnosed na may PCOS. Halos kasabayan ito nang una akong magpatingin sa doktor dahil sa hypertension. Matagal na akong hindi normal dahil una naman sa lahat, hindi rin talaga ako totoong malusog. Malusog lang sa taba, pero hindi sa tamang sustansya. Bukod sa lifestyle na ginawang hobby ang pagkain at inconsistent na pag-eehersisyo, mahabang listahan ng mga sakit ang nakalinya sa mga pamilya ng nanay at tatay ko.

Pinagaan ko lang ang sitwasyon nang ibinalita ko ito sa mama ko. Idiniin ko ang sinabi ng doktor na maliliit lang naman ang nakitang stones at madadala pa sa gamot. Saka ko na lang siguro sasabihin–kung aabot sa worse case scenario–na kapag hindi nawala ang stones sa oral treatment, ire-refer na raw niya ako sa urologist para sa magiging susunod na hakbang para tanggalin ang mga ito.

Ngunit maliban sa mga batong namuo sa aking kaliwang kidney, hindi ko akalain na may ibang mga bato pa akong dadalhin nitong Oktubre.

Tumaas ng 5% ang interes ng buwanang hulog sa aking home loan sa bangko. Resulta raw ng inflation. Isa itong malaking dagok sa akin na sa totoo lang, dito ako tunay na nawalan ng tulog, napanghinaan ng loob, at nagpakawala ng luha.

Nanunubok din talaga ang buhay, hindi na nakuntento na iisang bato lang ang aking dinadala.

September 2022

Nasa Twin Lakes Hotel, Tagaytay kami noon, ikaapat at huling araw ng workshop na aming ginawa. Nakaupo ako sa likod ng malawak na venue at pinapanood ang awarding ceremony para sa participants. Hindi na ako makapaghintay na matapos ito dahil ramdam na ramdam ko na ang pagod. 150 ang participants na kinailangan naming ikutan at gabayan sa loob ng apat na araw na activity. Bukod pa roon, may mga araw na ako rin ang ginawang host ng program. Ito rin ang unang malakihang activity na naging aktibo ang aking partisipasyon bilang technical staff at secretariat.

Pagkatapos ng awarding, tila nag-unahan sa pag-alis ang mga participants. Maging sila ay pagod din sa mga pinagawa namin sa kanila sa workshop. Walang ano-ano’y may lumapit sa akin at may inabot na brown paper bag. Sa gulat ko, hindi ko na matandaan kung hindi na lang ba ako nakapagsalita o sinubukan ko bang ibalik o kung nagpasalamat ba ako. Pero ang tanda ko’y nagpasalamat siya sa pagbibigay ko ng tulong sa grupo nila habang workshop.

Binuksan ko ang paper bag at napangiti sa laman nito: isang maliit at cute na Twin Lakes teddy bear.

Para akong Kindergarten student na may matingkad na star at “Very Good” stamp sa aking kamay.

Hindi ko naging gawain na maghanap ng affirmation sa mga katrabaho o boss ko, mabubulok ako kahihintay kung ganoon nga. Subalit, hindi ko naman ipagsasawalang-bahala kung may magbibigay sa akin nito nang kusa. Kahit ngayon, tuwing nakikita ko ang Twin Lakes teddy bear sa aking apartment, napapanatag ang loob ko. Ipinapaalala nito sa akin na may ginagawa akong tama (kahit papaano), at ginagawa ko ito nang maayos. Very good, very good.

August 2022

Nasa kalagitnaan ako ng Zoom session ng isang Project Management Course nang kinuhanan ako ng larawan ng kasamahan ko sa trabaho. Hindi naman ito ang unang litrato ko sa aking bagong trabaho, pero ito ang pinakagusto ko. Semi-candid kasi, at kitang-kita kung gaano ako ka-relaxed. Kitang-kita na masaya ako sa ginagawa ko.

Buwan ito ng Agosto, lampas na ito ng kalahati ng 2022. Maglilimang buwan na ako sa aking bagong trabaho–sa puntong ito, hindi na ako matatawag na baguhan. Sa loob ng halos limang buwan, marami-rami na rin ang naiatas sa aking responsibilidad. Naipadala na rin ako sa mga training at pagpupulong para irepresenta ang aming opisina. Nahuhugas na rin unti-unti ang aking hiya at katahimikan. May ilan na akong mga kasamahan na nakakabiruan ko na at nakakausap nang madalas. Nawala na ang agam-agam ko na baka hindi ako akma at nabibilang sa trabahong ito at opisina; bahagi ng anxiety ko sa aking buhay-proposesyonal ang paminsan-minsang Imposter’s Syndrome.

May halong kilig akong naramdaman nang makita ko ang litratong ito. Parang kausap ko ang sarili ko at sinasabi kong, “‘Wag kang mangamba. Wala kang dapat ipag-alala. I-enjoy mo lang.”

July 2022

Sa camping trip na pinuntahan natin, ito siguro ang pinakagusto kong larawan na kuha ko sa iyo. Payapa, hindi scripted, at siguro kasi maganda nga naman talaga ang natural lighting. Umaga ito sa Lake Mapanuepe, Zambales. Ito ‘yung natatanging malayong gala na sumama ako nang walang pagpilit na naganap. Ito ‘yung panahon na halos buwan-buwan tayong nagpapamasahe sa kung saan-saan at ipinapaalala mo sa aking balansehin ang buhay ko para hindi lang ako puro trabaho rito at trabaho roon.

Kaya lang nasa kabilang panig ka na ngayon ng mundo. Umalis ka nang hindi nagsasabi. Matapos ang dalawang buwan, saka ka lang nag-message na natuloy na ang pag-alis mo. Ewan ko kung bakit, pero iyon naman ang kasaysayan ng ating labing-apat na taong pagkakaibigan. Hindi consistent, lulubog-lilitaw. Minsan reliable, minsan hindi. May panahong nakakainis at nagkakabanggaan tayo, pero nagkakasundo pa rin sa dulo.

Hindi ko alam kung babalik ka pa rito, gayunpaman buti na lang sumama ako sa Zambales (kahit na nainis ako noong umpisa dahil late lahat ng kasama sa trip (pati ang van) sa meeting place sa Eton Centris). Na-out of place ako sa mga kaibigan mo na kasama sa trip, pero looking back, worth it pa rin naman ‘yung pagiging uncomfortable ko dahil iyon ang huling gala nating magkasama tayo.

Lagi kong hangad ang katuparan ng iyong mga pangarap.

June 2022

Mahirap ang masanay sa pag-iisa.

Pero sanay ako sa pag-iisa.

Ito siguro ang lubos kong napahalagaan at ninamnam mula nang bumukod ako. Mag-isa lang kasi ako sa tinitirhan ko. Walang sumisita kung hindi ko pa nahuhugasan ang aking mga pinagkainan at okay lang na tumambak ang labahin. Wala rin akong ibang inaalala: Ilang gatang ba ang isasaing? May pagtitirhan ba ng pagkain? May iba bang gagamit ng washing machine? May kaagaw ba ako sa banyo? May mahahawa ba sa sipon ko? At iba pa. Sa pag-iisa, nakakaipon ako ng enerhiya na kailangan ko para harapin ang araw-araw na pagtatrabaho at mga bagay-bagay para sa adulting.

Sa totoo lang, sa ilang buwang nakasanayan ko ang mag-isa, napadalas ang pagsakit ng ulo ko tuwing uuwi sa Marikina. Biglang maingay kasi ang paligid. Kapag may nagsalita sa bahay, parang daang ibon ang sabay-sabay na humuhuni sa loob ng isang hawla. Hindi ako puwedeng manahimik dahil maya-maya ang tanong at inaasahan ang mga kuwento mula sa pagkakawalay. Imbes na makapagpahinga, dumadagdag pa lalo ito sa aking kapaguran.

Sanay talaga ako sa pag-iisa.

Gayunpaman, mahirap ang masanay sa pag-iisa.

Sa kabila ng aking pagbukod, di ko maipagkakailang masama rin sa akin ang labis na pag-iisa. Hindi ko napipigilan ang lamlam na bumabalot sa akin kapag nasobrahan ako ng pag-iisa. May mga araw na hindi ako nakabubuti maging sa aking sarili.

Walang tatalo sa pakiramdam na may sumasalubong sa akin pag-uwi at may nag-aabang na mga aso sa aking muling pag-uwi. Wala ring dadaig sa pagkaing lutong-bahay kahit na ilang restaurant pa sa siyudad ang aking masubukan. Mas masarap ang anumang pagkain basta may kasama sa hapag. Magaan pa rin sa loob ang may uuwiang pamilya at pamilyar na lugar (at mga tao) kung saan puwede kong panandaliang ipakita ang aking mga kahinaan, kamalian, at kalungkutan. Sadyang sa tahanan lamang totoong makakatahan.

June 2022 (Extra)

Sa aming trabaho, sadyang naging abala ang mga buwang Hunyo hanggang Setyembre dahil sa pagpaplalano para sa 2023, kasabay pa ng ibang mga pinapagawa sa aming opisina. Kakaunti pa lang kaming staff, kaya naman hindi maiwasan na doble-doble madalas ang ginagawa namin sa loob ng isang araw. Madalang na nakatutok ang isang tao sa iisang gawain.

Isang araw, buwan yata yun ng Setyembre, habang inaayos namin ang ilang plano para sa taong 2023, may biglang pinagawa sa aming supervisor–utos mula sa mas mataas na opisina na hindi puwedeng ipagpaliban. Matagal ko nang alam na hindi totoo ang multi-tasking pero ganoon talaga, may mga araw na pipilitin mong maging totoo iyon.

Pinaipon sa amin ang mga nagawa o accomplishments ng opisina mula Enero. Kasabay rin noon, pinaipon din lahat ng photo documentation ng mga gawaing ito. Ipasa raw namin ang soft copies ng mga larawan sa office group chat para maipon ng isang staff.

Marahil sa pagmamadali (dahil nga nagmu-multitask, na hindi naman posible), ibang larawan ang naipadala ko sa aming group chat. Imbes na isang photo mula sa aming activity, nakapagpadala ako ng screenshot mula Hunyo ng 2022 na may mensaheng, “People can only meet you as deeply as they’ve met themselves.”

Sa totoo lang, hindi ko na maalala kung ano ang partikular na pangyayaring nagdala sa aking itago ang mensaheng ito via screenshot. Pero ang natatandaan ko, buwan ng Hunyo noong sinubukan ko muli ang online dating. Kumuha ako ng isang buwang premium account sa Bumble para malubos ko ang features nito. (Syempre, may oportunidad para sa kapitalismo maging sa pag-ibig.) Siguro ay isa itong sentimyentong nanggaling mula sa karanasang iyon dahil wala namang naidulot sa aking maganda ang isang buwang pag-swipe right at left. May mga nakausap (at nakilala) din akong wala naman sa totoong pakikipag-date ang intensyon. Nakakasawa. Sa salita ng mga tao ngayon, umay.

Hindi ko binura ang naipadalang screenshot sa group chat, sa halip sinabi ko na lang na may extra lesson for the day courtesy of yours truly.

May 2022

Gumamela, rose, bougainvillea, kalamansi, sili, mayana, at iba pang mga halamang hindi ko na alam ang mga pangalan–iyan ang mga alaga ng mama ko mula nagpandemya.

Bago pa man magdeklara ng ECQ noong Marso 2020, abala na ako. Pebrero pa lang ay may kaso na ng COVID (Wuhan virus pa nga ang tawag) sa bansa at sunod-sunod na ang preparasyon na ginagawa sa trabaho ko.

Noong full force na ang ECQ, para akong robot na gising bago mag-ala sais ng umaga. Mabilis akong naliligo dahil sinusundo ako ng service nang sobrang aga. Basa pa ang buhok ko pero itinatali ko agad para makapag-focus agad. Gabi na rin ang uwi ko noon palagi gawa nang kasama ako sa field work. Pagdating ko sa bahay, hindi ako sumasabay sa pagkain ng hapunan. Dahil lagi akong exposed, naliligo agad ako pag-uwi at hanggat maaari, isolated ako mula kina mama. Ganiyan halos ang routine ko mula Pebrero 2020 hanggang Mayo 2021.

Dahil naka-autopilot ako noon, hindi ko napansin na dumarami paunti-unti ang mga halaman sa bahay. Hindi ko napunang nadadagdagan ang mga paso at luntian sa aming garahe, terrace, at sa mga iba’t ibang sulok ng aming espasyo. Nong nag-work from home ako noong isang taon, saka ko lang talaga lubusang nakatuwaan ang paglago ng mga halaman sa paligid ko.

Para bang lagi itong nagpapaalala ng pagsibol. Sa kada bagong buko o batang dahon na nakikita kong nakausbong sa kanila, napupuno ang puso ko ng pagmamahal at pasasalamat sa mundong kinabibilangan natin. Para bang, “Heto, heto ang buhay. Ito ang disenyo ng buhay mo–uusbong at bubukadkad ka, kahit anong mangyari.”

Nitong nagsimula akong bumukod, nangulila rin ako sa mga halamang nakasanayan ko nang makasama.

Isang araw, buwan ng Mayo 2022, namukadkad ang mga bulaklak sa aming munting hardin. Inisa-isa ako ang mga halamang may mga bulaklak at nahuli ng isang partikular na halamang Rose ang aking atensyon–namunga ito ng mga puting bulaklak na may makakapal na talulot. Hindi puro ang kulay nitong puti. May pagkakrema ito at tila sinunog ang gilid ng kaniyang mga talulot. May fungi daw ang halaman kaya tila may mantsa ang mga bulaklak nito. Gayunpaman, naroon ang halaman. Naroon siya at maangas na namumunga at namumukadkad pa rin.

***

Interlude

April 2022

Magmula noong nag-apartment ako sa Pasig, tuwing weekend na lamang ako nakakauwi sa aming bahay sa Marikina. Madalas, pahinga na lang ang nagagawa ko sa mga araw na iyon at wala nang oras sa paglilinis o sa pag-aasikaso ng mga kailangan sa bahay.

Noong umuwi ako, isang Sabado ng buwan ng Abril, nagulat ako sa mga label na idinikit sa mga switch ng ilaw sa kusina. ‘Wag daw buksan ang dalawa sa tatlong ilaw, “don’t open.” Pundido na raw kasi ang mga ito, at dahil sa abala rin ang mga tao sa bahay, hindi pa makabili ng mga kapalit.

Bagong flat panel na led light ang kailangang bilhin. Hindi ito mga simpleng de roskas na ilaw na napakadaling bilhin at palitan. Kailangan pang magbayad ng tagagawa o electrician para sa installation. Sa madaling salita, doble gastos. Baka mas mahal pa ang bayad sa mag-i-install kumpara sa mga bagong ilaw.

Abril na noon at ikalawang buwan ko sa bagong trabaho, ngunit ilang cut-off nang hindi dumarating ang suweldo ko. Ganu’n lang daw talaga, sabi ng mga kasamahan ko sa opisina. Tama ang tantsa ko na sa loob ng apat na buwan, mauubos ang savings ko. Bukod sa nasaid ang aking mga bank account, nagkautang pa ako sa mama ko dahil sa mga ‘di inaasahang gastos, lalo na sa pagkuha at paglipat sa apartment.

Mabigat ito para sa akin dahil hindi ako sanay na ako ang nangangailangan. Ilang taon na rin mula noong nasasandalan na ako sa aming pamilya. Ilang taon na rin na hindi ako humihingi, bagkus ako pa ang hinihingan. Sadyang umiikot lang talaga ang gulong ng buhay. Ganu’n lang daw talaga. Oo, baka nga ganu’n lang talaga, pero mahirap masanay sa ganitong pakiramdam.

Kahit na madilim sa aming hapag-kainan, alam kong kitang-kita sa mukha ko ang lungkot at dismaya sa sarili.

***

Interlude